BINATIKOS ng kampo ni Charlie “Atong” Ang ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) na sampahan siya ng kaso kaugnay ng umano’y pagkawala ng ilang sabungero.
Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, ang resolusyon ng DOJ ay “malubhang depektibo at lubhang hindi makatarungan”, puno ng factual gaps at malalaking inconsistency, at may malinaw na bias. Nakabase lamang umano ito sa “sira at kwestiyonableng testimonya” ng isang saksi na aniya’y “wala nang kredibilidad.”
Posible umano silang maghain ng motion for reconsideration para ipa-reverse ang desisyon. “It is unfortunate that the DOJ has been taken for a ride by a dubious witness masquerading as a crusader,” sabi ni Villareal, na idinagdag na ang hindi pagsasampa ng kaso sa karamihan ng iba pang iniuugnay sa insidente ay patunay sa umano’y spurious na salaysay ni Julie Patidongan.
Giit pa ng abogado, kumpiyansa ang kampo ni Ang na maipapawalang-bisa nila “sa tamang panahon” ang mga gawa-gawang akusasyon ni Patidongan, na tinawag nilang arkitekto ng krimen.
Kinuwestiyon din ni Villareal kung bakit hindi isinama sa kaso ang magkapatid na Patidongan, sa kabila ng umano’y malinaw na ebidensya ng kanilang partisipasyon sa pagdukot at pagkawala ng mga sabungero.
Aniya, dapat iniutos ng DOJ panel ang reinvestigation ng PNP-CIDG dahil sa maraming tanong hinggil sa legalidad at pagiging patas ng proseso. “Ordering a police reinvestigation is not only proper but mandated,” dagdag niya.
(PAOLO SANTOS)
119
