NANAWAGAN ang Malakanyang sa mga padre de pamilya na gumamit na ng baston kung kakailanganin para huwag palabasin ang kanilang mga tsikiting ngayong nagsimula na ang ECQ sa Kalakhang Maynila.
Ang ECQ, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque ay tatagal ng dalawang linggo mula Agosto 6 hanggang 20.
Kung kailangan aniyang gumamit ng baston ay gamitin ito sa gitna ng target na mapababa ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant.
“Kaya nga po ang panawagan ko sa mga hepe ng pamilya, mag-declare na po kayo ng household lockdown at ipatupad po ninyo iyan, kung kinakailangan ng baston, magbaston na kayo sa inyong mga kabataan,” ani Sec. Roque.
“Ito po ang rule, GENERAL RULE: Bawal lumabas exception, iyong mga nagtatrabaho po, dahil sila ay APOR doon sa mga industriyang bukas, iyong mga medical frontliners natin at iyong mga taong gobyernong nagbibigay ng serbisyo na classified as APOR. Tama po iyon, bawal lumabas ang general rule,” ayon kay Sec. Roque.
Agad ding nilinaw ni Sec. Roque na pastol ang kanyang tinutukoy sa naunang pahayag na gumamit ng baston ang mga tatay.
“Sorry ha, siguro mali iyong word ko kanina. Mga hepe ng pamilya, pastulin po natin ang lahat ng miyembro ng ating mga pamilya na huwag nang lumabas, diyan po talaga magtatagumpay ang ECQ, kung iyong hepe ng pamilya ang magpapatupad ng household lockdown. Pastulin, hindi bastunin, pasensiya na kayo. Alam naman ninyo trying hard managalog, pero hindi tayo perfect, we are getting there po. Huwag kayong mag-alala,” paglilinaw nito. (CHRISTIAN DALE)
194 