TUTOL ako sa terorismo dahil maraming namamatay sa sistema, o paniniwala, na ito.
Ang kaawa-awa rito ay ang ordinaryong mamamayan na siyang pinakamarami sa lahat.
Kaya, pabor ako kung pinalalakas ng policy makers ang batas laban sa terorismo.
Ngunit, tahasang tutol ako kapag ang batas laban sa terorismo ay nagbibigay ng ‘butas’ at ‘batayan’ upang ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan ay magkaroon ng sobra-sobrang kapangyarihan at upang maging abusado.
Sinimulan nang talakayin sa Korte Suprema ang mga petisyon laban sa Republic Act No. 11479, o “Anti-Terrorism Act of 2020”.
Umabot sa 37 lahat ang petisyon laban sa R.A. 111479.
Alam n’yo ba na ang mga nagpetisyon laban sa ATA na ‘yan ay mga kagalang-galang na mamamayan ng ating bansa.
Dalawang dating mahistrado ng Korte Suprema, mayroon ding dekano, mga abogado, mga lider-manggagawa at mga aktibista.
Tinitiyak kong walang terorista kahit isa sa kanila.
Ang mga lider-manggagawa at aktibista ay hindi terorista.
Isa sa mga probisyon na tinututulan nila nang husto ay ang Seksiyon 29 ng R.A. 11479.
Nakasaad dito na binigyan ng awtoridad at kapangyarihan ang Anti-Terrorism Council (ATC) na itinatag ng R.A. 11479 na maglabas ng “isang pirasong papel” na nagbibigay ng awtoridad at kapangyarihan sa mga alagad ng batas na dakpin ang isa, dalawa, o tatlong katao na pinagsususpetsahang “terorista”.
Ang ATC lamang ang may utos ng pag-aresto at hindi hukom ng Regional Trial Court (RTC) ng saanmang lungsod sa bansa.
Hindi isasangguni, o hihingi ang ATC ng pagsang-ayon ang hukom/korte sa pasya ng una dahil malinaw ang nakasaad sa R.A. 11479 na ang ATC ay maaari nang maglabas ng papel upang manghuli ng terorista, o pinaghihinalaang terorista.
Sapat na ang isang pirasong papel mula sa ATC upang kumilos ang Philippine National Police (PNP) laban sa ideneklara ng ATC na teroristang nilalang.
Nangangahulugang mistulang “arrest warrant” na katulad ng iniisyu ng hukom upang manghuli ang mga pulis.
Ang kapangyarihang ibinigay ng ATA sa ATC ay hindi tugma sa Saligang-Batas.
Nakasulat sa Artikulo 3, Seksiyon 2 ng Saligang-Batas na “hukom ng korte” ang mag-iisyu ng arrest warrant upang hulihin ng mga pulis ang “akusado” ng isa, o maraming kasong kriminal.
Ibig sabihin, mga taong sinampahan ng kaso sa korte ang ipinaaresto ng hukom at hindi ang “suspek” sa krimen.
Kung hangad ng biktima ng isang krimen na maaresto ang suspek dahil nakumbinsi siyang ang huli ang “totoong” gumawa ng krimen, dapat sampahan niya ng kaukulang kaso sa korte upang maglabas ng warrant of arrest ang hukom laban sa akusado (dating susek).
Sa pagkakaunawa ko sa probisyon ng Konstitusyon, walang pahiwatig (implied point) na maaaring mag-isyu ang anumang yunit ng ehekutibong sangay ng arrest warrant.
Kung nagpahiwatig, o ipinunto, ng Konstitusyon na maaaring mag-isyu ng isang papel na kapares ng arrest warrant ang anumang yunit sa kagawaran at ahensiya ng pamahalaan laban sa terorista, palagay ko walang tututol sa inyo na mag-isyu ng nasabing pirasong papel maging ang dibisyon sa Department of Agriculture (DA) na ang trabaho, tungkulin at obligasyon ay tiyaking maunlad ang industriya ng baboy sa Pilipinas na maghuli ng mga terorista sa kanayunan.
Wala ring magpepetisyon sa Korte Suprema kung dakpin ng mga tauhan ng yunit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa basura dahil terorista ang hinuli nila.
Pokaragat na ‘yan!
Batay rin sa R.A. 111479, maaaring ikulong ng 10 araw ang inarestong terorista kahit wala pang isinasampang kaso laban sa kanya.
Kung hindi pa tapos ang imbestigasyon sa loob ng 10 araw ay maaaring palawigin ng ATC ang pagkakakulong ng terorista ng panibagong labing-apat na araw.
Sa ginawang ‘yan ng pulis, hindi puwede, o bawal sampahan ng kaso ang nanghuli at nagkulong na pulis dahil walang probisyon sa R.A. 111479 patungkol dito.
Binubuo ang ATC ng mga kalihim ng ilang kagawaran.
Kung mali ang pagsasalarawan ko na higit na makapangyarihan ang ATC kaysa korte, hindi ko na alam ang tama at eksaktong katangian ng kapangyarihang ibinigay ng mga senador at kongresista sa ATC.
215 