Baka sentimyento lang ng PCO ATTY. RODRIGUEZ DUDANG ISASAULI PHILHEALTH FUND

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MAY pagdududa si dating Executive Secretary Vic Rodriguez na maisasauli pa ng Malakanyang ang kinuhang pondo mula sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Sa isang pahayag, sinabi ni Rodriguez na mukhang personal lang na sentimyento ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na ibabalik ng Malakanyang ang pondo kung ipag-uutos ng Korte Suprema.

Ayon pa kay Rodriguez, isa sa mga pambato ng Duterte Senatorial Slate, posible pang itanggi ang pahayag ni Castro ng mas nakatataas sa kanya.

Punto ni Rodriguez, ano ang saysay sa utos ng Malakanyang na ibalik sa national treasury ang P90-B na pondo ng PhilHealth kung isasauli lang din pala.

Kahapon ay nagpatuloy ang oral arguments sa Korte Suprema hinggil sa petisyon laban sa paglilipat ng nasabing pondo ng Philhealth.

Ito na ang ikatlong araw ng pagdinig kung saan sa pangalawang araw ng argumento, masusing inalam ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier ang pondo ng ahensya at kung bakit kailangang pondohan ang unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 national budget.

Binanggit ni Javier ang sinasabing “urgent” national projects na pinaggamitan ng pondo kabilang ang routine maintenance ng national roads at mga proyektong paggawa ng tulay sa Panay-Guimaras-Negros (PGN) Island.

Sa ikatlong araw ng oral arguments, iginiit ni Renato Lascano, Jr., PhilHealth Senior Vice President na ang paglilipat ay simpleng usapin ng “political negotiation.” (May dagdag na ulat si JULIET PACOT)

40

Related posts

Leave a Comment