Constitutional gov’t protektahan – Atty. Sarmiento CHIZ NILALABAG KONSTITUSYON

TAHASANG sinabi ng isang miyembro ng Constitutional Commission na nagbalangkas ng kasalukuyang konstitusyon na ang probisyon na “forthwith” sa Konstitusyon ay naglalayong agarang simulan ang impeachment trial.

Ito ay “utos” at layunin nitong pigilan ang mga pang-aabuso ng mga opisyal ng gobyerno, panagutin sila, at mapanatili ang “constitutional government.”

Paliwanag ni Atty. Rene Sarmiento sa isang panayam sa radyo, ang probisyon na “forthwith” sa Konstitusyon ay naglalayong agarang simulan ang impeachment trial na isang “utos” at layunin nitong pigilan ang mga pang-aabuso ng mga opisyal ng gobyerno, panagutin sila, at mapanatili ang “constitutional government.”

Ani Sarmiento, ang anim na buwang pagkaantala sa paglilitis na gusto ni Senate President Chiz Escudero ay “hindi makatwiran,” at idinagdag na lahat ng mga patakaran, batas, at polisiya ay “dapat yumuko sa Konstitusyon” alinsunod sa doktrina ng konstitusyonal na kataas-taasan.

Naninindigan si Sarmiento na ang “kamandag” ng batas ay mawawala at ang mga nagkakamaling opisyal ng gobyerno ay hindi na matatakot kapag hinayaan ang Senado.

Hindi tuloy naiwasang kwestiyunin ni Sarmiento kung bakit gustong simulan ni Escudero ang paglilitis sa Hulyo 30, halos anim na buwan matapos isumite ng Kamara ang mga artikulo ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte noong Pebrero 5, gayung maaari naman ngayong Marso 15 o sa Abril.

Nag-adjourn ang Senado, isang oras lamang matapos matanggap ang mga article of impeachment o reklamo gayong mayroon pang dalawang araw o hanggang Pebrero 7 sa kanilang kalendaryo.

Mula noon, sinasabi ni Escudero na hindi maaaring litisin ng Senado si Duterte sa panahon ng kanilang session break.

Bukod dito, binalewala rin ni Escudero ang lahat ng mga panawagan at argumento para sa agarang pag-convene ng impeachment court at hiniling pa nito na dapat mayroong “clamor” bago niya ipagpatuloy.

Nilinaw ni Sarmiento na “dapat walang pagkaantala” sa impeachment trial tulad ng iniuutos ng Konstitusyon dahil ang isyu ng pananagutan sa gobyerno ay “mahalaga dahil ang pampublikong tungkulin ay isang pampublikong tiwala”.

Idinagdag pa nito na maraming miyembro ng komisyon ng konstitusyon ang sumasang-ayon sa kanya na ang “forthwith” ay nangangahulugang “dapat ituloy agad, at hindi nag-aatubili.”

Si Duterte ay inakusahan ng malalaking krimen kabilang ang korupsyon na umaabot sa bilyun-bilyong piso at pagbabanta na papatayin ang Pangulo at Unang Ginang.

30

Related posts

Leave a Comment