1 PATAY, 2 SUGATAN SA PAMAMARIL

BATANGAS – Isa ang patay habang dalawa ang sugatan kabilang ang isang dating barangay kagawad, sa tatlong magkakasunod na kaso ng pamamaril sa lalawigang ito, noong Sabado.

Ayon sa report ng Batangas Provincial Police Office, natagpuang walang buhay ang biktimang si Romwell Del Rosario sa driver seat ng kanyang Avanza van sa Brgy. Gahol, Taal dakong alas-5:30 noong Sabado ng umaga. Mayroon itong isang tama ng bala ng .45 kalibreng baril sa ulo.

Samantala, sa Tanauan City, sugatan ang dating barangay kagawad na si Larry Laura, 47, matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa Brgy. Trapiche, dakong alas-11:30 ng umaga.

Isa ang pulitika sa tinitingnang motibo sa krimen matapos na mapag- alaman na ang biktima ay masugid na supporter ng isang pulitiko sa nasabing lungsod at tatakbo rin itong barangay chairman sa susunod na halalang pambarangay.

Sa Lipa City, sugatan naman ang babaeng technician na si Lissa Marrie Cabanhon, 32, matapos barilin umano ng security guard na si Enesto Precilla, 50, sa loob ng isang drug store, sa J. P. Laurel Highway, Brgy. Sabang dakong alas-10:00 ng umaga.

Ayon sa report, pumasok sa drug store ang biktima at kumuha ng ilang item bago tinangkang lumabas. Nang pigilan ito ng suspek na duty security guard noon, naging agresibo ang biktima at tinangkang saksakin ng cutter ang sekyu naging dahilan upang barilin ito ng huli. (NILOU DEL CARMEN)

101

Related posts

Leave a Comment