1 PATAY, 5 MISSING SA GUMUHONG PADER

TAGAYTAY CITY – Isa ang patay, dalawa ang nilalapatan ng lunas sa ospital habang limang iba pang mga trabador ang hindi pa natatagpuan makaraang matabunan ng lupa dahil sa gumuhong pader sa lungsod na ito, noong Lunes ng gabi.

Dead on arrival sa Tagaytay Medical Center si Ronilo Casaljay y Cahusay, 52, foreman; habang nilalapatan ng lunas sina Marco Paulo Abarrientos y Abocejo, 33, project engineer, at Ton Velasquez, 26, dahil sa mga sugat sa katawan.

Pinaghahanap pa ang mga biktimang sina Niño L. Velasquez, 46;  Daniel Nesperos y Blaza, 29; William F. Ocong, 45; Ramer Gamba y Bucatcat, 26, at Jerimy Doña y Garcia, 21, mga residente ng Brgy. Ligas II, Bacoor City, Cavite.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Archie Paclibar ng Tagaytay City Police, dakong alas-6:20 ng gabi nang mangyari ang insidente habang nagpapahinga ang mga biktima sa barracks ng 3-13 Construction sa Purok 58, Brgy. Kaybagal Central, Tagaytay City.

Bigla umanong bumigay ang sementadong bakod na nasa likod lamang ng kanilang barracks dahilan upang matabunan ang mga ito.

Unang narekober ng nagrespondeng mga miyembro ng BFP Tagaytay, Tagaytay CDRRMO at Amadeo MDRRMO ang mga biktimang sina Abarrientos, Ton Velasquez at Casaljay ngunit idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang huli.

Habang isinusulat ang balitang ito, hindi pa natatagpuan ang katawan ng limang iba pa habang patuloy ang isinasagawang retrieval operation sa mga ito.

Ayon kay Paclibar, nangyari ang insidente habang malakas ang buhos ng ulan na nagpalambot sa lupa sa bakod na kanilang itinayo. (SIGFRED ADSUARA)

64

Related posts

Leave a Comment