IMBAKAN NG BARIL, BALA NG KANYON SUMABOG

IPINASISIYASAT ng pamunuan ng Philippine Army ang pagsabog at pagkasunog ng ammunition complex ng Forward Service Support Unit sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City nitong Martes ng madaling araw.

Ayon sa ulat na ipinarating kay Army Commanding General, Lt. Gen. Romeo Brawner, sumiklab ang sunog sa ammunition complex pasado ala-una ng madaling araw.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat, base sa salaysay ng mga sundalo at mga residente malapit sa nasunog na pasilidad, may narinig silang pagsabog hanggang sa nakitang nagliliyab na ang gusali.

Ayon kay Major Francisco Garello, tagapagsalita ng 4th Infantry Division, hindi pa nila alam ang pinagmulan ng sunog.

Kinumpirma ni Maj. Garello na walang namatay sa nasabing insidente subalit may tatlong sibilyan na nasaktan matapos tamaan ng debris kasunod ng pagsabog.

Agad umanong pasisimulan ang imbestigasyon sa nangyaring sunog sa loob ng kampo kung saan nakaimbak ang mga bala ng kanyon at mga armas. (JESSE KABEL)

71

Related posts

Leave a Comment