2 KAGAWAD LAGLAG SA DRUG-BUST

TINATAYANG umabot sa P54,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa dalawang barangay kagawad at isang lalaking nasa drug watchlist ng Manila Police District-Sampaloc Police Station 4, sa ikinasang buy-bust operation noong Lunes ng umaga sa Sampaloc, Manila

Kinilala ang mga suspek na sina Virgilio Diasanta Jr., 41, at Allan Salumbre, 39, kapwa kagawad ng Brgy. 537, Zone 53.

Samantala, natimbog din ang umano’y kasabwat ng mga suspek na si Albert Salumbre, 37, kapatid ni Allan.

Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, commander ng Manila Police District Station 4, bandang alas-10:30 ng umaga nang ikasa ng kanyang mga tauhan sa pamumuno ni Police Major Val Valencia, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, sa Sta. Cruz Street sa panulukan ng Batanes St. sa Sampaloc, sakop ng Brgy. 537, ang operasyon laban sa mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang apat na bultong nasa plastic sachet na tumitimbang sa 8 gramong shabu na katumbas ng halagang P54,000.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)

27

Related posts

Leave a Comment