2 TRAFFIC ENFORCER HULI SA KOTONG

CAVITE – Buking ang pangongotong ng dalawang traffic enforcer nang nagsumbong ang hinuli nilang Dutch national dahil sa traffic violation sa Bacoor City sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.

Inaresto ang dalawang traffic enforcer na sina Albert Velasquez at Carl Xavier Galang ng Bacoor Traffic Management Department, dahil sa reklamo ni Marek Moens, isang Dutch national.

Ayon sa imbestigasyon ni Pat. Marco Romero Cupo ng Bacoor City Police, minamaneho ni Moens ang kanyang motorsiklong Honda TMX at binabagtas ang Aguinaldo Highway ngunit pagsapit sa harapan ng isang mall sa Brgy. Panapaan 5, Bacoor City nang parahin ng dalawang traffic enforcer dahil sa umano’y traffic violation dakong alas-7:00 ng gabi.

Ngunit imbes na tiketan, hiningian umano ng dalawa ng halagang P4,000 ang dayuhan kapalit ng traffic violation.

Inabot umano ni Velasquez ang nasabing pera at ipinasa ito kay Galang, pero nagsumbong ang biktima kina P/SSgt. Arnold Mendoza at Pat Kempee Lopez ng Mobile Patrol Unit, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito at nabawi ang nasabing halaga. (SIGFRED ADSUARA)

99

Related posts

Leave a Comment