3 HVIs ARESTADO, DRUG DEN NALANSAG

CAVITE – Tinatayang mahigit sa  P100,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa arestadong tatlong umano’y tulak ng ilegal na droga at nasa listahan ng High Value Individuals (HVIs), sa nalansag na isang drug den sa Bacoor City noong Lunes ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Art. II ng RA 9165 ang mga suspek na sina Jessie Cea y Mendoza, 53, target ng buy-bust operation “Oplan Eternity”,  umano’y drug den maintainer;  Marian Pamintuan y Cupat,  52,  florist, at empleyado nito na si Julius Cea y Reyes,  32-anyos.

Ayon sa ulat, dakong alas-8:15 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cavite Provincial Office, Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bacoor City Police, at Cavite Police Provincial Office (PPO)-Police Intelligence Unit (PIU), sa Brgy. Kaingin, Bacoor City na nagresulta sa pagkaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P103,500, buy-bust money, cellular phone, at drug paraphernalia. (SIGFRED ADSUARA)

126

Related posts

Leave a Comment