ACTION CENTER BUBUKSAN NA SA KONGRESO – SPEAKER ROMUALDEZ

BUBUKSAN ng Kongreso ang isang action center para sa mga tao na walang mahingan o malapitan ng tulong sa oras ng kanilang pangangailangan.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, pagamot, palibing, legal problems, illegal dismissal, biktima ng  pang-aabuso ng mga nasa puwesto, at iba pa ay pwedeng ilapit sa action center ng mababang kapulungan.

“Kung lumapit ka sa ahensya ng gobyerno at hindi ka pinansin o pinag-antay o pinababalik-balik kayo, magsumbong kayo sa amin at kami ang tutulong sa inyo,” aniya.

“Tatawagan namin ang mga concerned agencies at tatanungin kung bakit hindi nila natutulungan ang taong ito at sa Kongreso na mismo lumalapit,” ani Speaker Romualdez.

Dagdag pa ng pinuno ng Kongreso, “babawasan namin ng budget ang anomang ahensya na hindi tutulong o papatay-patay sa pagbigay ng tulong sa tao”.

Majority floor leader pa lamang aniya siya ay naisip na niya ang konsepto ng naturang center na maaaring lapitan ng tao.

Ilalagay sa ilalim ng Office of the House Speaker ang action center na pamumunuan ng executive director na may mga social service personnel at complaint officers na tatanggap ng mga request for assistance o mga sumbong.

“Nakakaawa kasi lalo na yung mga mahihirap na hindi alam kung saan lalapit kapag namatayan o may sakit sa pamilya,” ani Romualdez.

Batid daw niya na kadalasan ay kulang ang ayuda ng mga ahensya o hindi sapat ang tulong ng mga local government units (LGUs).

Inaasahan na bubuksan sa publiko ang action center ngayong Marso mula 8:00AM hanggang 4:00PM, Lunes hanggang Biyernes.

27

Related posts

Leave a Comment