Bahagi ng pagbabantay sa kaso kontra droga DILG MAGTATALAGA NG TAUHAN SA PISKALYA

SA hangaring tiyaking wasto ang proseso ng pagsasampa ng mga kasong may kaugnayan sa droga, plano ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magtalaga ng sariling kawani sa mga piskalya para magsilbing testigo laban sa drug suspects.

Paniwala ni DILG Secretary Benhur Abalos, higit na kailangan bantayan ang mga isinampang kasong may kinalaman sa droga, kasabay ng giit na kailangang maiwasto ang maling prosesong nakasanayan ng Philippine National Police (PNP) sa pagsasampa ng asunto.

Ayon kay Abalos, isa sa kanilang nakikitang dahilan sa likod ng kabi-kabilang kasong drogang isinampa sa husgado ay ang depektibong paghahain ng kaso ng mga pulis laban sa mga nasakoteng drug suspects.

Inihalimbawa pa ni Abalos ang mekanismong gamit ng Mandaluyong City government sa ilalim ng kanyang asawang si dating Mayor Menchie Abalos na aniya’y nagtalaga ng isang permanenteng kinatawan ng LGU sa piskalya. Ang mandato – magsilbing testigo sa mga kasong may kaugnayan sa droga.

“You look at the cases sa fiscal… dismiss ang kaso, yun ang sinasabing kulang sa testigo, ang ginawa namin sa Mandaluyong yung aking wife si Menchie Abalos, kumuha siya ng empleyado, itinalaga sa fiscals’ office at siya na ang representative ng Department of Justice sa lahat ng raid, yun ang trabaho at siya ang magte-testify and in so doing na-satisfy namin yung requirement na isang Barangay Captain at isang DOJ at halos walang na-dismiss na kaso because of that technicality in the city of Mandaluyong and that is what I intend to do,” ani Abalos sa isang pulong balitaan.

Iminungkahi na rin niya umano ang nasabing mekanismo sa liga ng mga gobernador at alkalde. (LILY REYES)

67

Related posts

Leave a Comment