BANGKETA, FOR RENT SA TAYTAY

SA gitna ng agresibong clearing operation sa mga bangketa at kalsada ng mga lungsod at munisipalidad, sa bayan ng Taytay iba ang nagaganap – ang mga bangketa at kalsada, mistulang naglaho na.

Sa mga viral post sa social media, idinulog ng mga lehitimong negosyanteng nakapwesto sa Taytay Tiangge, hindi na makapasok sa kani-kanilang pwesto ang mga mamimili dahil na rin sa natakpan ng mga ipinagawang bagong pwesto sa bangketa at mismong kalsada ang entrada sa kanilang inuupahang espasyo sa loob ng mga gusaling itinalaga para sa tiangge.

“Ang masaklap, binarahan pa ng mga bagong pwestong paupahan ng lokal na pamahalaan ang entrada ng mga Taytay Tiangge kung saan namin ibinebenta ang mga tampok na kasuotang gawang Taytay,” himutok ng grupo.

“Ang resulta, bagsak ang garment industry sa panahong akala namin ay makakabawi na kami sa dagok ng mahabang pagkakatengga bunsod ng lintek na pandemya.”

Base sa dokumentong nakalap mula mismo sa mga “nangungupahan sa bangketa at kalsada” isang Armando Moises na retiradong pulis ang nagbigay pahintulot sa mga sigang Muslim sa palibot mismo ng tiangge.

Ayon naman sa isang lehitimong negosyanteng nasa loob mismo ng tiangge, isang Errol Medina ang kasador ng mga Muslim. Sa isang Facebook post, siya rin umano ang tumanggap ng P2 milyon na paunang-bayad ng mga muslim na nakapwesto sa mga entrada ng tiangge.

Sa pagsasaliksik, lumalabas na kapwa tauhan ng nakaupong alkalde sina Moises at Medina.

Mahigpit na ipinagbabawal ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang paggamit ng bangketa at kalsada maliban sa itinakdang pakay ng mga nasabing istruktura – ang kalsada para sa mga sasakyan habang para naman sa pedestrian ang mga bangketa.

Nito lamang nakaraang buwan, naglabas ng direktiba ang DILG sa mga local government units (LGU). Ayon sa kagawaran, mayroon lamang 60 araw ang mga pamahalaang lokal para hawanin ang mga daluyan ng sasakyan at nilalakaran ng mga pedestrian, batay na rin sa programang Road Clearing Operation 2.0 na halaw sa Memorandum Circular 2020-145. (ENOCK ECHAGUE)

44

Related posts

Leave a Comment