WORKER NALIBING NANG BUHAY SA CONSTRUCTION SITE

patay

BATANGAS – Patay ang isang construction worker matapos na matabunan ng gumuhong lupa habang nasa ilalim ng hinukay na pundasyon ng isang itatayong istruktura sa isang private resort club sa Barangay Natipuan, sa bayan ng Nasugbu, sa lalawigang ito.

Tumagal ng mahigit na apat na oras bago narekober ang wala nang buhay na biktimang si Francis Ortiz, 33, residente ng Sitio Sisa, Barangay Wawa sa nasabing bayan.

Ayon sa report ng Nasugbu Police, nasa ilalim ng 20 feet na excavated foundation ang biktima sa construction site sa Terrazas de Fuego resort nang bigla itong gumuho dakong alas-4:30 ng hapon noong Miyerkoles dahilan upang matabunan ito ng makapal na lupa.

Agad nagsagawa ng retrieval operation ang mga tauhan ng Nasugbu BFP at MDRRMO subalit patay na ang biktima nang maiahon dakong alas-9:00 ng gabi.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at inaalam kung sino ang may responsibilidad sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)

136

Related posts

Leave a Comment