KUNG ang eleksyon ay gagawin ngayon, pasok na sa ika-9 na pwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos Jr., dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at dating mayor ng Mandaluyong City, ayon sa pinakabagong 2025 senatorial race survey ng Tangere.
Bilang alkalde ng Mandaluyong sa loob ng 15 taon, kilala si Abalos sa mga programang nagbigay ng makabuluhang pagbabago sa lungsod. Sa kanyang liderato, pinarangalan ang Mandaluyong bilang Best Child-Friendly City, Most Business-Friendly City, at pitong beses na ginawaran ng Seal of Good Local Governance. Ang kanyang programang Project TEACH, na naglalayong tulungan ang mga batang may kapansanan, ay kinilala ng United Nations Public Service Award bilang isa sa pinakamahusay na inisyatibo para sa public service.
Sa larangan ng edukasyon, libre ang tuition sa Mandaluyong mula day care hanggang kolehiyo. Pati uniporme, bag, sapatos, notebook, at medyas ay libreng ibinibigay. Para sa mga senior high school students, may buwanang allowance, at lahat ng Grade 4 hanggang senior high school students ay binigyan ng libreng laptop. Pati ang public school teachers sa lungsod ay tumanggap ng libreng laptop.
Sa nutrisyon, naging modelo ang Mandaluyong matapos pinarangalan bilang Best in Nutrition. Pinangunahan ang mga breastfeeding programs at sinigurong masustansya ang mga bata mula sinapupunan hanggang tatlong taong gulang. Dahil dito, nanguna ang mga mag-aaral ng lungsod sa National Achievement Test, na nagpapatunay ng koneksyon ng nutrisyon sa academic performance.
Bilang DILG Secretary, nagpatupad si Abalos ng mahahalagang reporma. Isa sa kanyang pinakamalaking tagumpay ay ang pagkumpiska ng P33.8 bilyong halaga ng illegal drugs sa loob lamang ng unang dalawang taon ng administrasyong Marcos. Tinugis niya si Pastor Apollo Quiboloy, Alice Guo, Teddy Jay Mejia at marami pang iba. Itinayo rin niya ang mahigit 200 bagong fire stations at nagbigay ng mga fire trucks sa iba’t ibang LGU. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, inatasan niya ag mga LGU, sa pamamagitan ng Memorandum Circular 2023-045, na siguraduing ang pantay na pamamahagi ng benepisyo sa mga senior citizens.
Kasama si Abalos sa Alyansa para sa Pagbabago 2025, ang opisyal na senatorial slate ng administrasyong Marcos. Prayoridad niya ang reporma sa Local Government Code upang mas malinaw na maipamahagi ang responsibilidad ng nasyonal at lokal na pamahalaan, pagpapabuti ng sektor ng agrikultura, at pagkakaroon ng mas mababang interes para sa mga pautang ng mga magsasaka.
Kasama rin sa kanyang adbokasiya at plataporma ang pagpapababa ng kuryente sa bansa at mapatibay ang investment climate sa bansa upang makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Kinilala rin si Abalos bilang top performing cabinet Secretary ni Pangulong Marcos matapos makuha ang pinakamataas na job performance score sa “Boses ng Bayan” assessment ng RPMD Foundation Inc.
Tumatakbo si Abalos sa ilalim ng plataporma para sa maayos na kalidad ng buhay ng bawat Pilipino—mula edukasyon, nutrisyon, agrikultura, at seguridad.
66