FOUL PLAY SINISILIP SA PAGKAMATAY NG POLICE COLONEL

NABABALOT ng misteryo ang pagkamatay ng isang opisyal ng Philippine National police (PNP) sa kanyang bahay sa Pateros noong Linggo ng umaga.

Isang oras at kalahati nang nangyari ang insidente bago naipaalam sa himpilan ng pulisya ang pagkakabaril kay P/Lt. Col.  Eugene Orate y Junsay sa bahay nito sa #22K M. Almeda St., Barangay Sto. Rosario Silangan, Pateros, Metro Manila.

Ayon sa report ng pulisya, tinatayang alas-8:50 umaga noong Hulyo 10, 2022 nang mangyari ang insidente pero nai-report sa kanilang tanggapan bandang alas-10:20 ng umaga .

Natagpuan si P/Lt. Col. Orate, 46, nakatalaga sa PNP SAF, ng kanyang kasambahay na may tama ng dalawang bala sa ulo at katawan sa loob ng kwarto niya makaraan ang dalawang putok ng baril.

Agad isinugod si P/Lt. Col. Orate sa ACE Medical Center sa Pateros para sa medical attention dahil sa gunshot wound sa ulo at katawan ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Vadasseri Christopher Sheldon.

Ayon sa ilang eksperto, halos imposibleng makapagpaputok ng dalawang beses sa katawan at ulo ang isang nag-suicide.

Nagsasagawa na ng technical investigation ang SPD SOCO sa pangunguna ni P/Maj. Antonieta C. Abillonar hinggil sa insidente, habang ang service firearms ng biktima ay dinala sa crime laboratory para sa ballistics examination, paraffin test na hiling ng mga miyembro ng pamilya, gayundin sa bangkay ng biktima.

Hindi pa inaalis ang anggulo ng foul play sa pagkamatay ni P/Lt. Col. Orate. (DAVE MEDINA)

111

Related posts

Leave a Comment