G-CASH SCAMMER TIMBOG SA LAGUNA

ARESTADO ang isang suspek sa panloloko sa online cash transfer matapos mambiktima sa Calamba, Laguna.

Kinilala ng Laguna PNP ang naarestong suspek na si Edmon Catubigan, 43-anyos, residente ng Muntinlupa City.

Pinaghahanap naman ang isa pang suspek na si alyas Vergie.

Ayon sa Calamba police, naganap ang pambibiktima bandang alas-3:00 Martes ng hapon sa isang Gcash outlet sa Barangay Canlubang.

Natangayan ng mga suspek ng halagang P48,000 ang babaeng biktima.

Modus ng mga suspek na magkunwaring magpapatulong kung paano magtransfer ng pera sa GCash.

Iniabot ng suspek na si Catubigan ang kanyang cellphone sa babaeng biktima at ipinakausap ang nasa kabilang linya na si Alyas Vergie.

Habang magkausap, nagtanong si Alyas Vergie ng ilang personal information mula sa biktima kabilang ang buong pangalan at kanyang GCash account number.

Nagulat na lamang ang biktima nang malaman na nagtransfer siya ng nasabing halaga sa ibang account.

Tumalilis ang suspek subalit nahabol ito ng tatay ng biktima kasama ang mga barangay tanod at dinala sa police station.

Nakapiit na ang suspek sa Calamba police station at nahaharap sa kasong Swindling/Estafa of Art. 315 of RPC in relation to Sec. 6 of RA 10175 Anti-Cybercrime Law.

Paalala ng pulisya na maging alerto sa mga ganitong panloloko at huwag magbibigay ng anomang impormasyon sa iba lalo na at may kinalaman sa online transaction o kahit sa social media.

Apela pa ng pulisya na kung may mga ganoong modus ay agad ipaalam sa pinakamalapit sa istasyon ng pulisya para sa agarang aksyon.

(NILOU DEL CARMEN)

125

Related posts

Leave a Comment