GANG MEMBER NIRATRAT SA RILES NG TREN

HINIHINALANG may kaugnayan sa ilegal na droga ang pagpatay sa isang 33-anyos na kaanib ng Bahala na Gang (BNG) na niratrat ng bala

habang nakatambay sa riles ng tren sa panulukan ng Algeciras at Simoun Streets, Sampaloc, Manila nitong Martes ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang si Reuben Angelo Canlas, binata, jobless, ng Algeciras Street, Sampaloc.

Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ni Det. Jorlan Taluban, may hawak ng kaso, hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek na riding in tandem.

Base sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-2:00 ng madaling araw nang mangyari ang krimen sa riles ng tren.

Nabatid mula kay Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, commander ng MPD-Sampaloc Police Station 4, makaraang makatanggap ng tawag ang SIBAMA PCP, agad nitong inutos kina Police Captain Alfie Odasco, hepe ng PCP, at kay Police Staff Sergeant Reynaldo Principe, kasama si Police Corporal Arvin Bautista, na magsagawa ng sariling imbestigasyon at ikordon ang lugar upang maghagilap ng ilang mga ebidensya na makareresolba sa kaso.

Agad namang dumating sa lugar ang mga tauhan ng MPD Forensic Unit na pinangunahan ni Police Lieutenant Nonalyn Delayon.

Natagpuan sa lugar ng insidente ang anim na basyo ng bala mula sa .45 kalibreng baril at dalawang bala na hindi pumutok

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, habang nagkukuwentuhan ang biktima at kaibigan nitong si Hansel, nang sumulpot ang isang motorsiklo na lulan ng mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril si Canlas.

Nang masigurong patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek.

Nabatid mula kay Det. Taluban, napag-alaman na noong Setyembre 2022 ay nabiktima rin nang pamamaril ang ama ni Canlas ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nareresolba ang kaso. (RENE CRISOSTOMO)

355

Related posts

Leave a Comment