LEGAZPI CITY – Tinatayang kalahating kilo ng umano’y shabu ang nasamsam sa ikinasang joint anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency dakong alas-3:00 ng hapon noong Huwebes sa Brgy. Capantawan sa lungsod na ito.
Ayon sa ulat ng PDEA Region V kay Director General Moro Virgilio Lazo, umabot sa P1.6 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng PDEA RO V Special Enforcement Team, IIS, LPU, PDEA Albay Provincial Office (PO), NBI at Legazpi CPS.
Arestado sa nasabing operasyon ang dalawang indibidwal kabilang ang isang provincial drug-listed personality na cluster target din ng ahensya, na kumikilos sa Visayas, na kinilalang si Sandra Floralde y Aranil.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang electronic receipts ng money transfer transactions na isinailalim sa financial investigation.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang nasabing operasyon ay bahagi ng COPLAN: Heavy Gut na ipinatupad para hadlangan ang nagaganap na illegal trafficking ng droga sa Albay at kalapit na mga lalawigan.
(JESSE KABEL RUIZ)
221