NASAWI ang isang 50-anyos na lalaki habang sugatan ang tatlo nitong kasamahang pasahero ng isang tricycle nang maka-head on collision ang isang Toyota Corolla Altis sa General Trias City, Cavite noong Miyerkoles ng madaling araw.
Pawang isinugod sa ospital ang mga biktimang sina alyas “Jaydie”, 35, may asawa, driver ng tricycle; “Ignacio”, 50; “Jahn”, 18; at “Sandie”, 34-anyos, ngunit idineklarang dead on arrival si Ignacio dahil sa sugat sa ulo.
Hawak na ng pulisya ang driver ng Toyota Corolla Altis na si alyas “Romeo”, 67, ng Brgy. Pasong Kawayan II, General Trias City, Cavite.
Ayon sa ulat, bandang alas-12:20 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Governor Ferrer Drive, Brgy. Pasong Kawayan 2, General Trias City, Cavite kung saan parehong binabagtas ng dalawang sasakyan ang nasabing lugar sa opposite direction.
Ang driver ng tricycle na Rusi na may plakang 725DMD at sakay ang tatlo nitong pasahero, ay binabagtas ang southbound habang binabagtas naman ang northbound ng driver ng Toyota Corolla Altis.
Subalit pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, pumihit sa kaliwang bahagi ng kalsada ang driver ng Toyota Corolla at nasakop ang linya ng kalsada.
Tinangka ng driver ng tricycle na umiwas at ipinihit sa kanang bahagi ng kalsada ngunit nagpang-abot ang dalawang sasakyan.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, amoy-alak ang driver ng Toyota Corolla Altis.
(SIGFRED ADSUARA)
84 