Mga estudyante inararo sa gilid ng kalsada 1 PATAY, 12 SUGATAN SA PICK-UP

EASTERN SAMAR – Patay ang isang estudyante habang 12 pa ang sugatan matapos na araruhin ng isang pick-up habang nasa gilid ng highway sa Barangay Naparaan, sa bayan ng Salcedo sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa report ng Salcedo Police, ang mga biktima ay pawang mga babaeng junior high school student ng Salcedo Vocational High School.

Nabatid sa imbestigasyon, dakong alas-11:55 ng umaga, nag-aabang ang mga biktima ng sasakyan pauwi, habang ang iba ay bibili ng pagkain, nang biglang salpukin ng Isuzu DMAX na minamaneho ni Manuel Wanijan, 61, taga bayan ng Guiuan, ang lugar na pinaghihintayan ng mga estudyante.

Sumalpok muna ang sasakyan sa steel railing subalit sa lakas ng pagkakasalpok ay nagiba ang mga bakal at naipit ang mga estudyante.

Dead on the spot ang isang 18-anyos na hindi pa pinangalanang mag-aaral, samantalang pito ang grabeng nasugatan kabilang ang dalawang kritikal na nasa ICU ng isang ospital. Dumanas naman ng minor injuries ang iba pang pang mga biktima.

Naaresto naman ng mga pulis ang nagmamaneho ng pick-up na si Wanijan na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple serious physical injuries. (NILOU DEL CARMEN)

104

Related posts

Leave a Comment