MISTER NAWALAN NG TRABAHO, SINILABAN SI MISIS

CAVITE – Naburyong matapos mawalan ng trabaho, binuhusan ng thinner saka sinindihan ng isang 46-anyos na lalaki ang kanyang live-in partner sa bayan ng Silang noong Sabado ng gabi.

Nahaharap sa kasong frustrated murder, arson at paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act) ang suspek na si Mervin Chiongco Batiancila matapos nitong sunugin ang kanyang live-in partner na si Annabelle, 52.

Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Glenn F. Soriano ng Silang Municipal Police Station, dakong alas-10:30 noong Sabado ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahay ng mag-live-in partner sa Brgy. Narra 2 sa nabanggit na bayan kung saan ay nag-iinuman ang dalawa.

Ang masaya nilang pag-iinuman ay nauwi sa usapin sa kalagayan nila sa buhay hanggang sa humantong sa mainitang pagtatalo dahil sa kawalan ng trabaho ng suspek.

Bunsod nito, kumuha umano ng thinner ang lalaki at binuhusan ang babae saka sinindihan gamit ang lighter.

“Nawalan ng trabaho ang lalaki at dito nagsimula ang depresyon ng suspek,” ayon kay Soriano.

Nang nakita umano ng suspek na nagliliyab ang kanyang live-in partner, tila umano natauhan ito at tinulungan niya itong apulahin ang apoy hanggang sa parehong isinugod sa UMC Hospital. (SIGFRED ADSUARA)

17

Related posts

Leave a Comment