CEBU CITY – Patay ang isang umano’y drug personality makaraang dalawang beses na barilin ng riding in tandem sa Sitio Santo Niño, Barangay Labangon sa lungsod na ito, noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Rico Entoma Filoteo, 32, residente sa nasabing lugar at sangkot umano sa illegal drug trade sa lungsod.
Ayon sa report, nakatayo ang biktima sa gilid ng kalsada nang dumating ang motorsiklo ng mga suspek dakong alas-8:00 ng gabi.
Bumaba ang backrider nito at saka binaril ng dalawang beses ang biktima.
Isinugod ang biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Natagpuan sa biktima ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng tila ilegal na droga subalit ayon sa pulisya ay “tawas” at hindi “shabu”.
Ayon kay P/Maj. Angelito Valleser, hepe ng Station 10 ng Cebu City Police Office, dati nang na-convict sa kasong pagnanakaw at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang biktima at kilalang ‘seller’ ng ilegal na droga at isang “double crosser”.
(NILOU DEL CARMEN)
325