NTC HINDI AATRASAN ANG NEWSNET HANGGANG SC

NANINDIGAN ang National Telecommunications Commission (NTC) na nakahanda ito sa legal na pakikipagtagisan sa News and Entertainment Network Corp. (Newsnet) hanggang Supreme Court (SC) matapos ipagpilitan ng Court Appeals (CA) ang pagpapatupad ng isang nabaligtad nang desisyon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Ang Newsnet ay pagmamay-ari ng negosyanteng si Mel Velarde. Sa isang pahayag matapos tanggihan ng CA ang motion for reconsideration (MR) ng NTC, inihayag ng Komisyon na hindi pa pinal ang desisyon ng CA at iaakyat nito ang kaso sa kataas-taasang hukuman.

Kaugnay nito, pinanindigan ng NTC na hindi dapat ipatupad pa ang mandamus dahil binawi naman ng ARTA ang una nitong desisyon na may petsang Pebrero 12, 2020 kung saan inaatasan nito ang regulatory body na aprubahan ang aplikasyon ng Newsnet na mag-install, mag-operate, at mag-maintain sa bansa ng isang local multi-point distribution system (LMDS).

Ang LMDS ay ginagamit para makapaghatid ng interactive pay television at iba pang multimedia services. Iniatras mismo ng ARTA noong Hunyo 17, 2022 ang nauna nitong desisyon na pumapabor sa Newsnet, isang bagay na diniinan pa ng Palasyo kinalaunan.

“Iniurong na ng ARTA ang nauna nitong desisyon kung kaya wala nang masasabing ‘ARTA Decision’ na ima-mandamus pa,” anang NTC. Matatandaan na noong nakaraang buwan ay tuluyan nang ibinasura ng Office of the President (OP) ang apela ng Newsnet para magkaroon ito ng LMDS. (PAOLO SANTOS)

100

Related posts

Leave a Comment