OPERATOR NG SABUNGAN PATAY SA PANANAMBANG

BATANGAS – Nalagutan ng hininga ang isang negosyanteng operator ng isang sabungan matapos tambangan ng hindi kilalang mga suspek habang pauwi sa kanilang bahay sa Tanauan City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Joselito de Chavez dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa report ng Tanauan City Police, dakong alas-8:30 ng gabi, minamaneho ng biktima ang kanyang pick-up pauwi sa kanilang bahay mula sa sabungan, nang tadtarin ng bala ang kanyang sasakyan ng hindi kilalang mga suspek sa national highway sa Barangay Natatas.

Mabilis ding tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang mga suspek at kung ano ginamit na sasakyan dahil lumalabas sa imbestigasyon na binangga muna ang pick-up ng biktima bago ito niratrat ng bala.

Ayon kay P/Lt. Col. Karlos Lanuza, hepe ng Tanauan City Police, posibleng may kinalaman sa negosyo ng biktima bilang maintainer ng sabungan, ang motibo sa krimen.

Nangangalap pa ng mga kuha ng CCTV sa lugar ang Tanauan City PNP para sa agarang ikalulutas ng krimen. (NILOU DEL CARMEN)

23

Related posts

Leave a Comment