P231-M PUSLIT NA ASUKAL, BIGAS NASABAT SA CALOOCAN

UMABOT sa P231 milyong halaga ng puslit na bigas at asukal ang kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa dalawang bodega sa Caloocan City.

Bitbit ang Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO), sinalakay ng mga ahente ng BOC ang dalawang bodega sa #448 Kabutuhan St., Deparo Road, Brgy. 168, ng lungsod, at nasabat ang 66,000 sako ng bigas at 13,000 sako ng asukal na tumitimbang ng 50 kilo ang bawat sako.

Ayon sa BOC, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence reports na may libo-libong sako ng asukal at bigas galing sa Vietnam at Thailand.

May natagpuan ding alcohol, packaging materials, chips, cocoa powder, at iba pang inangkat na mga produkto, sa ni-raid na mga bodega.

Bibigyan ng 15 araw ang mga may-ari ng bodega para magpakita ng kinakailangang dokumento para sa nasabat na mga produkto.

Ang paghihigpit sa asukal at sa pag-iimbak nito ay nagsimula nang sumingaw ang tangkang pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng nasabing produkto. (ALAIN AJERO)

114

Related posts

Leave a Comment