PONDO SA OIL SPILL CLEAN-UP SA MINDORO HUGUTIN SA BUWIS SA LANGIS

IMINUNGKAHI ni House Deputy Speaker Ralph Recto sa gobyerno na kunin sa buwis ng langis ang pondong gagamitin sa paglilinis sa oil spill sa Oriental Mindoro, at tulong sa mga apektadong mamamayan.

“Ang katas ng buwis ng langis dapat gamiting panglinis ng tagas sa lumubog na barko,” ani Recto na nagsabing isang patak lang sa P380 billion na buwis sa langis, ang kailangan.

Ayon sa mambabatas, nakakokolekta ng mahigit P1 billion kada araw ang gobyerno sa buwis sa langis at sapat na aniya ang halagang ito para malinis ang karagatan sa Oriental Mindoro at mabigyan ng tulong ang mga apektado ng oil spill.

Hindi umano kawalan sa gobyerno sakaling ilaan ang isang araw na koleksyon ng buwis sa langis para matulungan ang mga residenteng apektado ng oil spill at paglilinis sa karagatan.

Magugunitang lumubog ang MT Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023, na may lamang 800,000 litro ng gasolina na naging dahilan ng oil spill.

Sinabi naman ni House Committee on Environment and Natural Resources chairman Rep. Elpidio Barzaga na kailangang matapos sa lalong madaling panahon ang paglilinis sa karagatan dahil mas maraming maapektuhan kapag tumagal pa ito.

Huling nagkaroon ng oil spill sa bansa sa Guimaras noong Agosto 2006 kung saan mahigit apat na buwang nilinis ang karagatan, na ayon sa mambabatas ay nagdulot ng malaking perwisyo. (BERNARD TAGUINOD)

217

Related posts

Leave a Comment