Resulta ng sigalot sa loob ng kilusan 8 BANGKAY NG CPP-NPA NADISKUBRE

UMAKYAT na sa walong labi ng communist New People’s Army (NPA) rebels na biktima ng hidwaang panloob sa hanay ng CPP-NPA, ang nahukay at binigyan ng disenteng libing ng Philippine Army sa Barangay Canadam sa Maconacon, Isabela.

Ito ay matapos na madiskubre ang lima pang bangkay na sinasabing pinatay ng kanilang mga kasamahan bunsod ng namumuong sigalot sa loob ng kilusan, ayon sa mga dating rebelde na sila ring nagturo sa sinasabing killing field ng CPP-NPA

Ang mga labi ay kinilalang sina alias “Rigid” at “Mawin,” commanding officer ng  Front Operation Command (FOC), alias “Brad” at “Airus,” vice commanding officer ng  FOC, alias “Dondon,” vice squad leader ng Squad Uno, alias “Monmon,” member ng Squad Uno, at alias “Bamboo,” kasapi ng  Squad Dos, ng Isabela Provincial Committee, Cagayan Valley Region Committee.

Itinuro ng mga dating kasamahan ang mass grave sa Army 502nd Infantry Brigade.

Noong nakaraang Linggo, may tatlong bangkay rin ng NPA ang nahukay ng mga sundalo na kinilalang sina alias “Eloy,” first deputy secretary, alias “Bryan,” at alias “Marco,” kapwa kasapi ng Squad Dos.

Ayon sa kanilang mga dating kasamahan, nilikida ang walo bunsod ng awayan sa liderato at mga panloob na sigalot ng kanilang kilusan.  (JESSE KABEL)

86

Related posts

Leave a Comment