STATE OF EMERGENCY ON FOOD CRISIS PINADEDEKLARA

UMAPELA kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang AGAP party-list na magdeklara ng state of emergency on food crisis kaugnay ng lumalalang kakulangan sa pagkain at pagtaas ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Sa isang breakfast meeting na ginanap sa Quirino Extension, Manila, iginiit ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Representative Nicanor Briones, na malaki ang magagawa ni Pangulong Marcos bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) kung saan maaari nitong doblehin ang budget ng DA upang buhayin ang mga nagsarang nag-aalaga ng baboy at manok at tulungan ang mga magsasakang tinamaan ng pesteng African Swine Fever (ASF) at Avian flu sa pamamagitan ng pagbabayad ng sampung libong piso bawat mamamatay na baboy at maaari lamang itong magawa nang mabilisan kung may state of emergency.

Balak ding magpasa ng batas sa Kongreso si Cong. Briones kaugnay ng indemnification fund na nag-aatas maglaan ng pondo para bawat tamaan ng peste ay pwedeng bayaran ng gobyerno.

Malaki na rin ang nalulugi sa mga magmamanok at mag-iitlog dahil sa pagtaas ng ini-import na pagkain ng mga alagang manok at baboy, dahilan para magsara ang ibang mga negosyante.

Nakaaalarma rin aniya ang kakulangan ng manok sa mga kilalang food chain dahil walang suplay mula sa local producers, kulang sa sukat ang mga kinakatay na manok at pagiging bansot dulot ng alternatibong pagkain.

Sa ngayon, bagama’t tumaas ang presyo ng manok sa merkado dahil sa epekto ng presyo ng produktong petrolyo, mayroon pa namang sapat na suplay ng imported na manok na pawang nasa cold storage.

Binanggit ng kongresista na may tatlong pangunahing kahilingan ang ilalatag ng AGAP Party-list kay Pangulong Marcos, ang mabilisang karagdagang pondo, pagtatayo ng first border inspection facility at paglalagay ng mga cold storage.

Sa ganitong paraan lamang umano posibleng masolusyunan ang problema sa talamak na smuggling at maiwasan ang pagpasok ng peste sa mga baboy at manok.

64

Related posts

Leave a Comment