Sa tulong ng inisyatiba ni Cong. Nograles P3.8-M TUPAD FUND IPINAMAHAGI SA 880 BENEFICIARIES

ANG 880 beneficiaries ng Tupad Fund na tumanggap ng P4,000 bawat isa para sa sampung araw na pagwawalis, at P255 para sa kanilang uniporme.

SA pamamagitan ng inisyatiba ni Rizal 4th District Cong. Fidel Nograles, umabot sa P3.8 milyong Tupad Fund mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang ipinamahagi sa mga residente ng Montalban sa nasabing lalawigan.

Ang nasabing pondo ay inilaan ng DOLE sa 880 beneficiaries na mga nagwawalis sa mga lansangan ng nabanggit na lugar.

Bawat isa sa mga taga-walis ay tumanggap ng P4,000 para sa sampung araw nilang trabaho.

Ang bawat isa sa kanila ay tumanggap din ng P255 para sa kanilang uniporme.

Ayon sa batang kongresista, ang pagpapatuloy ng proyektong clean-up-drive ay makababawas sa pangamba ng pagbaha sa darating na tag-ulan.

Nagsagawa ang mga kasapi ng FFN (Freedom Fighting Nation) kasama ang beneficiaries ng programang DOLE TUPAD ng Community Service at paglilinis sa iba’t ibang bahagi ng Barangay Burgos.

Ang DOLE TUPAD ay programa ng Department of Labor and Employment sa pangunguna ni Sec. Bienvenido “Benny” Laguesma, sa tulong ng inisyatiba ni Congressman Fidel Nograles.

Ang inisyatibang ito ni Cong. Nograles ay walang pinipiling panahon maging nitong nakaraang kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay Cong. Nograles, mas nangangailangan ng ayuda ang mamamayan sa panahon ng mga kalamidad at pandemya kaya hindi siya tumitigil sa pag-iisip kung paano niya matutulungan ang kanyang constituents.

Nakipag-ugnayan na rin si Nograles sa iba’t ibang grupo, samahan, at organisasyon sa Montalban upang alamin ang kanilang mga kahilingan o wish list para sa bagong taon.

Nangako si Nograles na sisikapin na tugunan ang kanilang mga pangangailangan at magiging katuwang sa mga programang ilulunsad para sa bayan. (JOEL O AMONGO)

106

Related posts

Leave a Comment