SIMREG 90 DAYS EXTENDED

PINALAWIG ng 90 araw ang SIM registration matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ngayong araw sana, Abril 26, 2023 ang takdang araw ng pagtatapos ng pagpaparehistro ng SIM card ng mga subscriber.

Sa Facebook page ng Radio Television Malacañang (RTVM), nakasaad dito na “Failure to register within the given period of extension will result to limited SIM services from the telecommunication companies.”

Binigyan din ng direktiba ng Pangulo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para magsagawa ng public announcement sa bagay na ito.

Nauna rito, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang sectoral meeting ukol sa updates sa subscriber identity module (SIM) card registration sa State Dining Room sa Palasyo ng Malakanyang kahapon.

Bago pa ito, ipinaalam ng DICT kay Pangulong Marcos na nagpulong ito kasama ang mga stakeholders na binubuo ng public telecommunication entities at relevant agencies, nitong Lunes at ipinresenta ang panukalang palawigin o i-extend ang SIM registration period matapos ang April 26 deadline.

Sa kabilang dako, “as of 23 April 2023,” mahigit 82 milyong SIMs ang rehistrado na o 49.31% ng kabuuang active SIMs “as of December 2022.”

Sa kasalukuyan, mayroong 168,016,400 kabuuang bilang ng aktibong SIM sa bansa.

Mula 82 million registered SIMs, mahigit naman sa 37 milyon ang Globe subscribers, mahigit 39 milyon ang Smart subscribers at mahigit sa five (5) milyon ang Dito subscribers.
Target ng DICT na mairehistro ang 70% ng active SIMs sa loob ng 90-day extension.

Ang Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act ay nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Oktubre 10, 2022 na naglalayong sugpuin ang nakaaalarmang paglaganap ng spam messages at scams sa pamamagitan ng short messaging services (SMS) o text sa bansa.

Scam, spam laganap pa rin

Kaugnay nito, nananawagan si Senate committee on public services chairperson Grace Poe sa DICT na pagtuunan ng pansin ang patuloy na paglipana ng spam messages sa gitna ng ipinatutupad na SIM registration law.

Sinabi ni Poe na bagama’t nabawasan na ay patuloy pa ring nakatatanggap ang marami sa mga Pinoy ng scams at fraudulent messages.

Iginiit ni Poe na dapat aksyunan ng DICT ang mga sindikatong ito upang maprotektahan ang mga consumer at hindi rin malagay sa kompromiso ang communication system.

Kasabay nito, hinimok ni Poe ang DICT kasama ang National Telecommunications Commission at mga telco na linawin sa taumbayan na magiging available pa rin ang mga SIM sa mga local retailer at sari-sari stores kahit matapos na ang registration period.

Ang kaibahan nga lang, lahat ng bibili ng bagong SIM ay kinakailangan munang magparehistro bago ito ma-activate at magamit.

Ikinalugod din ni Poe at maging ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagpapalawig ng SIM registration sa loob ng 90 araw. (CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

197

Related posts

Leave a Comment