SPECIAL LANE PARA SA LGBTQ+ SA LTO, LAPSE IN JUDGMENT – SOLON

TINAWAG na lapse in judgment sa panig ng isang regional office ng Land Transportation Office (LTO) ang desisyon na maglagay ng priority lane para sa mga LGBTQ+.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Grace Poe kasabay ng paalala sa LTO na ang priority lanes ay ibinibigay sa mga indibidwal na may problemang pisikal at iba pang indibidwal na nahihirapan sa normal government process tulad ng pagpila.

Sinabi ni Poe na dapat magsilbi itong wake-up call para unawaing mabuti ang inclusivity at equality sa serbisyo ng gobyerno.

Patunay rin anya ito na kailangan ng LTO na palakasin ang kanilang koordinasyon at monitoring sa kanilang local offices dahil ang pagturing sa pangyayaring ito bilang isolated case ay kabiguan sa administrative oversight.

Sinabi ni Poe na hindi ito ang unang pagkakataon dahil may mga ulat na isa pang District Office ng LTO ang naglaan ng special lane para sa LGBTQ+ kasama ang mga senior citizen, persons with disabilities at buntis noong Valentine’s Day.

Binigyang-diin ng senador na ang lahat ng polisiya na may kinalaman sa gender sensitivity, inclusivity at equality sa government services ay dapat na pinag-aaralang mabuti bago ipatupad at dapat ding tiyaking sumusunod ang lahat sa anti-discriminatory policies. (DANG SAMSON-GARCIA)

199

Related posts

Leave a Comment