SRP NG DA SA SIBUYAS WALANG SILBI

MAITUTURING na propaganda lang ang suggested retail price (SRP) na nais ipatupad ng Department of Agriculture (DA) sa sibuyas upang maibaba ang presyo nito sa merkado dahil walang parusang laan sa lalabag dito.

Ito ang lumalabas sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on agriculture and food sa hoarding, price manipulation at cartel sa sibuyas na naging dahilan para tumaas ang presyo nito ng hanggang P750 kada kilo noong Disyembre.

Sa pagtatanong ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., kinumpirma ni Bureau of Plant Industry (BPI) director Glenn Panganiban na naghahanda na ang mga ito para umangkat ng hanggang 800,000 kilo ng puting sibuyas.

Preparasyon umano ito dahil hanggang Hulyo lamang ang supply ng puting sibuyas at upang maiwasan din ang pagtaas ng presyo nito tulad ng nangyari noong nakaraang taon.
Gayunpaman, sinabi ni Barzaga na sa ngayon ay umaabot na sa P200 ang kada kilo ng sibuyas, hindi lamang ang puti kundi ang pula, bagay na sinagot ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na magpapatupad ang mga ito ng SRP.

Ayon sa opisyal, itatakda umano ng mga ito sa P150 ang SRP sa sibuyas subalit nang tanungin ni Barzaga kung ano ang parusa sa mga retailer na hindi susunod ay sumagot ito ng “wala”.
“Toothless propaganda ang SRP na ‘yan dahil wala naman palang parusa,” ani Barzaga.

Ito aniya marahil ang dahilan kaya kahit ano pang itakdang presyo ng DA sa mga produktong agrikultura ay walang sumusunod. (BERNARD TAGUINOD)

78

Related posts

Leave a Comment