TRABAHO AT OPORTUNIDAD SA BAGONG TNVS SLOTS ALYANSA NG TSUPER

DAHIL magbibigay ng kabuhayan at oportunidad sa transport sektor, pinapurihan ng pinakamalaking transport network vehicle service (TNVS) alliance sa bansa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa paglalaan nito ng mahigit 10,000 TNVS slots, kasabay ng pagsasabi ng alyansa na makatutulong ang hakbang ng ahensya sa pagkakaroon ng mga oportunidad at trabaho sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.

Ayon sa TNVS Alliance of the Philippines (TAP), “ang mga bagong slots ay magbubukas ng mga pangkabuhayang oportunidad sa ating mga kababayan na patuloy naghahanap ng ibang pagkakakitaan matapos ang panahon ng pandemya.”

“Hindi na rin kami makahintay sa pagpasok ng mga bagong TNVS drivers sa aming komunidad na naghahatid ng ligtas at maginhawang serbisyong pangtransportasyon na siyang karapat-dapat para sa bawat Pilipino,” anang grupo.

Kaugnay nito, kabilang sa mga lumagda sa pahayag sina Saturnino “Daddy Ninoy” Mopas ng Transport Network Vehicle Representative, Aylene Paguio ng TAP, Lisza Buscaino-Redulla ng CommUNITY Leaders Council, Gohan Nuguid ng TNVS Individual 1 Alliance, Calvin Chloe Manalo ng Unity of Leaders for TNVS Community, Walter Lugay Uy ng Philippine Metropolitan Transport Group, at Newell Garcia ng TNVS News Community.

Inihayag ng mga pinuno ng TNVS na nakikita nila mismo na patuloy na kinukulang ng masasakyan ang mga pasahero at kanilang binigyang-diin na naluwagan at nagpapasalamat ang Pinoy commuters sa LTFRB para sa mga bagong slots dahil siguradong makatutulong ito tungo sa maginhawang pagbibiyahe sa loob ng Metro Manila.

Nilalaman ng resolusyon ng LTFRB, na pirmado ni Chairperson Teofilo Guadiz III at Board Members na sina Riza Marie Tan-Paches at Mercy Jane Paras-Leynes, ang pagbubukas ng 10,300 na mga bagong slots sa Metro Manila at mga probinsya ng Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal.

Paliwanag ng buong LTFRB Board, batid nito na makatutulong ang mga karagdagang slots para magkaroon ng eksaktong numero ang TNVS na magsusuplay ng mga pangangailangan sa transportasyon ng mga pasahero. (PAOLO SANTOS)

194

Related posts

Leave a Comment