WANTED SA 19 COUNTS NG RAPE TIKLO SA CIDG

NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang lalaking nakatala bilang no.8 most wanted person ng Ilocos Norte dahil sa kasong 19 counts ng rape, sa isinagawang Oplan Pagtugis sa Caloocan City noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang arestado na si Rodrigo Rafael alyas Jay-Ar Rafael, 39, electrician, ng Brgy. 178, Camarin, Caloocan City.

Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang CIDG RFU NCR hinggil sa pinagtataguan ng suspek sa Caloocan City kaya agad silang bumuo ng team na pinamunuan ni P/Lt. Col. Calvin Cuyag.

Kasama ang mga tauhan ng 83rd Coy, RDB, PNP-SAF sa pangunguna ni P/Maj. Rudy Peang; RID PRO1, PIU Ilocos Norte, Banna MPS, TPU Ilocos Norte at mga tauhan ng Carasi MPS, INPPO sa pangunguna ni P/Lt. Cheryll Cacayorin, agad isinagawa ng CIDG EDFU ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-5:30 ng hapon sa kanyang bahay sa Caloocan City.

Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Setyembre 17, 2003 ni Judge Conrado A. Ragucos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 16, Laoag City, Ilocos Norte para sa kasong rape (19 counts) at walang inirekomendang pyansa ang korte.

Ang suspek ay nakatala bilang no. 8 most wanted person na may reward na P300,000 na covered ng DILG Memorandum Circular na may petsang Pebrero 9, 2022 para sa Region 1. (FRANCIS SORIANO)

76

Related posts

Leave a Comment