DISMAYADONG PINOY BUBUHOS SA KALSADA SA SONA NI MARCOS

DUMARAMI ang dahilan para lumabas at magprotesta ang mga tao sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ngayong araw.

Ito ang tinuran ni dating Congressman at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus Rafael Mariano ukol sa inaasahang pagdami pa ng mga sasali sa rally kontra sa SONA ni Marcos sa Commonwealth Avenue, Quezon City at iba’t ibang lugar sa bansa.

“Filipinos now have more reasons to express discontent and join protests during President Bongbong Marcos Jr’s second State of the Nation Address (SONA) on Monday,” pahayag ni Mariano kung saan ang pinakahuling pangunahing dahilan ay ang pag-abswelto ng Korte Suprema sa P1.05 billion Marcos ill-gotten wealth.

Sinabi ng dating kinatawan ng Anakpawis party-list na kabilang sa mga pangunahing dahilan kung bakit mas marami ang sasali sa kilos protesta ay ang Maharlika Investment Fund (MIF) law na itinuturing ng kanilang grupo na scam at National Land Used Act, Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement (RCEP) na walang pakinabang aniya sa consumers at magsasaka.

Patuloy rin aniya ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na hindi maresolba ni Marcos gayung siya ang Kalihim ng Department of Agriculture (DA), walang sapat na tulong sa mga magsasaka para masiguro ang sapat na suplay ng pagkain, patuloy na importasyon na pumapatay sa mga magsasaka at ang napakong pangako na P20 na presyo ng bigas.

Inayunan ni dating Kabataan party-list Rep. Mong Palatino ang inaasahang pagdami ng mga sasali sa kilos protesta ngayong taon kumpara sa unang SONA ni Marcos noong 2022.

“Definitely the SONA protest this year will be bigger compared to last year, mas marami ang galit, mas marami ang naliwanagan, kasama ‘yong mga kababayan natin na gustong i-register ‘yong protest do’n sa polisiya ni Marcos,” ani Palatino.

Sinabi ni Palatino na isa sa mga ikinagalit ng tao kay Marcos ay ang mumong umento na ibinigay sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) gayung mas mataas ang presyo ng pagkain ngayon kumpara noong nakaraang taon at inaasahan ang pagtaas ng pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).

Idinagdag pa nito ang kawalan ng hustisya at patuloy na red-tagging sa mga miyembro ng mga lehitimong grupo na nakikipaglaban sa karapatan pantao at pumupuna sa mga kamalian ng gobyernong Marcos.

(BERNARD TAGUINOD)

332

Related posts

Leave a Comment