Sangkaterbang bitbit na alipores pinuna ng solon PINOY ‘DI MASAYA SA BIYAHE NI PBBM

(BERNARD TAGUINOD)

ITINUTURING na ng mga ordinaryong Pinoy ang madalas na pagbiyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasama ang sangkaterbang alipores na luho sa gitna ng matinding hirap na dinaranas ngayon ng mamamayan.

Kinatigan ni ACT party-list Rep. France Castro ang opinyon ng masang Pinoy dahil tuwing bumibiyahe ang Pangulo ay napakarami nitong kasama na hindi aniya biro ang gastos.

“Ang madalas na foreign trips ni Pres. Marcos Jr. lalo pa at palaging napakaraming bitbit na mga alipores ay nakikitang luho ng ating mga kababayan dahil sa tindi ng hirap ngayon,” ani Castro.
Si Marcos ay nasa Davos, Switzerland para dumalo sa World Economic Forum (WEF) na kanyang ika-8 foreign trip sa loob ng 7 buwang panunungkulan bilang pangulo ng bansa.

Base sa mga naglalabasang impormasyon, mahigit 70 ang delegasyon ni Marcos sa nasabing foreign trip kaya hindi maiwasang ikumpara ito sa United States (US) na 19 lang ang delegado, 7 sa India at 3 sa Finland.

“Malacañang should be mindful of the impact of these trips on our economy, especially in the current situation of our country. Marcos Jr. should exercise transparency and accountability in the use of public funds for these trips, and to prioritize the needs of the Filipino people in making these decisions,” paalala ng mambabatas.

Bagama’t naintindihan umano ng mambabatas na ang ganitong biyahe ay kailangan ng bansa para mapatatag ang economic at diplomatic relations sa iba’t ibang bansa, kuwestiyonable aniya ang pagbitbit ng Pangulo ng napakaraming alipores na dagdag gastos lamang.

“Sa totoo lang lubog sa utang ang ating bansa at nasa P13.6 trilyon na ito, kahit ang mga ‘di pa ipinapanganak ay may utang na ng higit P100,000, napakataas na ng mga bilihin pero ang baba pa din ng sahod ng mga manggagawa,” ani Castro.

7 PH tycoons kasama

Sa ulat, kasama rin sa biyahe ni PBBM sa Davos ang pitong pinakamayaman na negosyante sa Pilipinas.

Sinabi ng Malakanyang, nitong Martes na kasama sa delegasyon ni Pangulong Marcos sina Sabin Aboitiz ng Aboitiz & Company, Kevin Andrew Tan ng Alliance Global, Jaime Zobel de Ayala ng Ayala Group, Lance Gokongwei ng JG Summit Holdings, Ramon Ang ng San Miguel Corp., Teresita Sy-Coson ng SM Investments, at Enrique Razon ng International Container Terminal.

Si Pangulong Marcos at ang kanyang delegasyon ay dumating sa Switzerland, Linggo ng tanghali, (Linggo ng gabi sa Pilipinas).

Ang WEF ay nagho-host ng Country Strategy Dialogue for the Philippines kung saan ang mga kinatawan ay binibigyan ng oportunidad na itaguyod ang bansa bilang “leader and driver of growth and a gateway to the Asia-Pacific region,” ayon kay Pangulong Marcos.

“One that is open for business – ever ready to complement regional and global expansion plans of both foreign and Philippine-based enterprises anchored on the competent and well-educated Filipino workers, the managers and professionals,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Bahagi rin ng Philippine delegation sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, dating pangulo at kasalukuyang Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Sen. Mark Villar, Ilocos Norte First District Rep. Ferdinand Alexander Marcos III, TINGOG party-list Rep. Yedda Marie Romualdez, Trade Secretary Alfredo Pascual, Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr., at Transportation Secretary Jaime Bautista. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

31

Related posts

Leave a Comment