NAGHAIN ng resolusyon si House Special Committee on Creative Industries Chairperson at Negros Occidental Third District Rep. Javier Miguel “Javi” L. Benitez upang kilalanin ang Filipino singer na si Carmelle Collado sa pagkakapanalo nito sa kauna-unahang Eurovision Song Contest Asia sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 14.
Sa House Resolution No. 1625, sinabi ni Benitez na ipinakita ng tagumpay ni Collado ang husay, versatility at kakayahang makipagsabayan sa pandaigdigang entablado ng mga musikero ng Pilipinas.
Nanalo si Collado sa pamamagitan ng orihinal na awiting Filipino na “Sobra-Sobra,” na nagbibigay-diin sa lakas, tiwala sa sarili at pagpapahalaga sa kababaihan.
Nakuha niya ang kabuuang 211 puntos sa Grand Final na ginanap sa One Bangkok Forum, kabilang ang 93 puntos mula sa mga hurado at 118 mula sa boto ng publiko. Nanguna siya sa 11 bansang kalahok sa Asya.
Pumangalawa naman ang MANG x DAOU ng Thailand, habang pumangatlo si Tóc Tiên ng Vietnam.
Nakamit ni Collado ang pagkakataong kumatawan sa Pilipinas matapos magwagi sa Philippine Selection Night noong Agosto 30 sa Quezon City, kung saan tinalo niya ang siyam na iba pang kalahok.
Isinulat nina Nica del Rosario at Mat Olavides ang kantang “Sobra-Sobra.”
Binigyang-diin ni Benitez na mahalagang patuloy na suportahan at paunlarin ang talento ng mga Pilipino sa larangan ng sining at bigyan sila ng pagkakataong makilahok sa mga pandaigdigang kompetisyon.
Ibinatay niya ang resolusyon sa Article XIV, Sections 14 at 15 ng 1987 Constitution na nagtatakda sa tungkulin ng Estado na pangalagaan at paunlarin ang pambansang kulturang Filipino at itaguyod ang mga likhang-sining ng bansa.
(PAOLO SANTOS)
31 