GANAP nang batas ang panukalang school voucher na isinulong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12327 o Basic Education Voucher Assistance Act noong Nobyembre 12.
Sa ilalim ng batas, maaaring makatanggap ng voucher na popondohan ng pamahalaan ang mga kuwalipikadong mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralang siksikan upang makapag-aral sa pribadong paaralang kanilang pipiliin.
Ayon kay Cayetano, layunin ng batas na mabigyan ang bawat batang Pilipino ng pantay na pagkakataong makakuha ng abot-kaya at de-kalidad na batayang edukasyon, anuman ang estado ng kanilang pamilya.
Sinabi rin ng senador na makatutulong ang programa upang mahikayat na bumalik sa paaralan ang mga out-of-school youth.
Binanggit niya ang pagbaba ng bilang ng mga naka-enroll sa bansa mula 24 milyon noong school year 2021-2022 patungong 22.1 milyon noong 2025-2026, batay sa datos ng Department of Education (DepEd).
Kabilang sa mga probisyong isinama sa batas ang panukala ni Cayetano na The Learner’s Choice (TLC) in Private Basic Education Act of 2025 o Senate Bill No. 422, na inihain niya noong Hulyo 2025 at ibinatay sa voucher program ng Taguig City.
Bibigyang-priyoridad sa programa ang mga mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralang opisyal na kinikilalang siksikan, lalo na ang mga nagmula sa pamilyang mababa ang kita. Kabilang din sa mga higit na nangangailangan ng tulong ang mga persons with disabilities (PWDs), ulila at mga nakatira sa malalayong lugar.
Ang DepEd ang magtatakda ng halaga ng voucher na gagamitin sa pagbabayad ng gastusin sa pag-aaral sa mga pribadong paaralang kinikilala ng pamahalaan.
Hindi tulad ng kasalukuyang subsidiya sa ilalim ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE), direktang nakalaan sa mag-aaral ang bagong voucher at maaari itong gamitin sa paaralang kanilang pipiliin.
Inaatasan din ang DepEd na maglabas ng pampublikong talaan ng mga kalahok na pribadong paaralan, kabilang ang kanilang matrikula, mga programang pang-edukasyon at datos sa akademikong pagganap upang maging gabay ng mga magulang sa pagpili ng paaralan.
Naglaan din ang batas ng mga parusa laban sa paggamit ng pekeng impormasyon, pagpaparehistro ng mga hindi tunay na mag-aaral at iba pang uri ng pandaraya sa pagpapatupad ng programa.
Naniniwala si Cayetano na makatutulong ang paggamit ng pampubliko at pribadong sektor sa edukasyon upang mapabuti ang kalidad ng pagkatuto ng mga kabataang Pilipino.
28 