SA isang impeachment trial, madaling mapagkamalan na ang pagiging istrikto ng presiding officer ay nangangahulugang kailangan niyang limitahan ang bawat galaw ng prosecution at defense. Pero hindi naman kailangang kontrolin ang bawat argumento para mapanatiling maayos ang paglilitis. Minsan, mas importante ang pagbibigay ng sapat na pagkakataon sa magkabilang panig, habang tinitiyak na nasusunod ang rules.
Ito ang makikita sa naging paghawak ni Presiding Officer Chiz Escudero sa ilang usapin noong November 19 impeachment proceedings kay Vice President Sara Duterte.
Sa paggamit ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) documents bilang ebidensiya kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth sa Article II, sinuportahan ni Escudero ang punto ni House prosecutor Chel Diokno na hindi money laundering ang kasong tinatalakay. Pero hindi rin niya isinara ang pinto sa defense para kuwestiyunin ang mga dokumento at ang interpretation ng prosecution.
Mahalaga ang ganitong approach. Ang isang ebidensiya ay hindi nagiging unquestionable dahil lang naiharap na ito sa korte. Kailangang may pagkakataon ang kabilang panig na suriin, kuwestiyunin, at magbigay ng sariling paliwanag.
Ganoon din nang magkaroon ng mga tanong ang ilang senator-judge tungkol sa qualifications ni defense witness Rainer Dela Fuente bilang expert witness. Bagama’t may mga pagdududa sa kanyang expertise, ipinaalala ni Escudero na hindi dapat diktahan ng impeachment court ang strategy ng defense sa pagpili ng witnesses at pagpresenta ng ebidensiya. Humingi siya ng pasensya at leeway para maipahayag din ng defense ang kanilang panig.
Hindi naman nangangahulugan na kapag pinayagang magsalita ang witness ay tinatanggap na agad ang kanyang testimonya bilang katotohanan. Maaari pa rin itong kontrahin, usisain, at timbangin ng impeachment court.
Sa ganitong klaseng paglilitis, ang pagiging patas ay hindi nangangahulugang walang nagtatanong o kumokontra. Nangangahulugan itong walang pinagkakaitan ng pagkakataong sumagot. Iyan ang mahalagang pamantayan sa pamumuno ni Escudero, ang panatilihing bukas ang proseso, maging patas sa magkabilang panig, at hayaan ang rules at ebidensiya ang maging basehan ng paghatol.
55 