BI COMM APPOINTMENT ORDER PINEKE

BISTADOR Ni RUDY SIM

NOONG nakaraang Linggo ay kumalat ang balitang itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dating Dean ng College of Law ng New Era College na si Atty. Abraham ­Espejo bilang bagong commissioner ng Bureau of Immigration (BI) kasunod ang pagkalat ng isang kopya ng appointment ­order nito na may logo ng Malacañang at pirma ni PBBM.

Matapos na makarating ito sa Palasyo ay agad na nagsiyasat at napag-alaman mula sa Presidential Management Staff, Office of the Executive Secretary at Office of the President na walang ganoong record ng dokumento ang dumaan sa kanilang tanggapan.

Nagbabala ang Malacañang na ang pamemeke ng pirma at logo ng office of the President ay paglabag sa Revised Penal Code ­Article 161 na may kaparusahan na reclusion temporal o 12-20 taong pagkabilanggo.

Kaugnay nito, ipinag-utos ng Palasyo kina Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Remulla at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na agad na pa-imbestigahan sa National Bureau of Investigation(NBI) at Philippine National Police (PNP) kung saan nagmula at sino ang nasa likod ng pamemeke ng dokumento.

Ito kaya ay kagagawan ng ilang desperadong tagasuporta ni Espejo o ito’y isang paninira lamang ng ilang kalaban nito sa karera na nais masungkit ang matamis na “Oo” ni PBBM? Posibleng isang sindikato sa loob ng BI ang maaaring nagpalabas nito upang ­obligahin ang pangulo sa kanilang kahilingan na sila’y mapaboran.

Matatandaang isang dating mataas na opisyal ng BI ang ­nagbayad umano sa isang religious group ng P10M upang mabigyan ng puwesto sa panahon ni PRRD.

Isa ang BI sa mga ahensya ng pamahalaan sa mga wala pang napipisil si PBBM na mamuno dahil masusi pang sinasalang mabuti. Ito ay dahil sa nagdaang pamunuan ni dating Commissioner Jaime Morente na naging kapit-tuko sa loob ng anim na taong panunungkulan ni PRRD, kahit nilinlang ang publiko sa tunay na kuwento ng Pastillas scheme at naging mas talamak pa ang katiwalian sa airport na ginawang gatasan ang pagpasok at pagbawi ng exclusion ng ­Chinese nationals.

Dapat ding ipa-life style check ng pamahalaan ang ilang matataas na opisyales ng BI na halos tumabo ng bilyones sa loob ng anim na taon at hanggang sa kasalukuyan. Paano kaya malulutas ang katiwalian sa airport kung ang dating nag-iimbestiga ay siya rin ang naglagay sa puwesto sa kanyang iniimbestigahan? Magkano kaya?

Kamusta na kaya si “Boy Tulo”, patuloy pa kaya ang katakawan nito sa laman sa magagandang mga bebot sa Embassy night club? Epektib kaya ang ipinayo ko sa kanya na Tide powder kaysa ­anti-biotic ni Doc?

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

174

Related posts

Leave a Comment