Big corporations, LGUs nakikinabang FARMERS, FISHERS ‘TINALIKURAN’ NG LANDBANK

HINDI sinunod ng LandBank ang kanilang mandato na tulungan ang mga sektor na hindi kayang pautangin ng commercial banks tulad ng magsasaka dahil mas nakikinabang sa kanila ang malalaking kumpanya at Local Government Units (LGUs) sa mga lungsod.

“LandBank, a government financial institution, has lost its wow,” deklara ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa kanyang privilege speech kahapon dahil tila tinalikuran aniya ng LandBank ang kanyang mandato.

Sa halip aniyang tulungan ang magsasaka at maliliit na negosyante ay malalaking korporasyon at LGUs ang nakinabang sa naturang bangko.

Ipinaliwanag ng mambabatas na itinatag ang Landbank noong Agosto 8, 1963 sa pamamagitan ng Republic Act (RA) 3844 para sa interes ng mamamayan at magsisilbing financial partner para sa pag-unlad.

Sinabi nito na base sa 2024 report, 61.38% sa ipinautang ng Landbank na nagkakahalaga ng P694.55 billion ay nakuha ng malalaking korporasyon sa bansa habang P1.07 billion lamang sa mga magsasaka o katumbas ng 0.09% lamang.

Umaabot lamang umano sa 6.61% ang ipinautang ng Landbank sa mga kooperatiba habang 4,09% sa mga Small and Medium Enterprises habang ang natitirang 10.55% ay ibinigay sa mga Local Government Units (LGUs) na karamihan ay wala sa mga kanayunan kundi sa mga lungsod.

“These numbers reveal a glaring misalignment with Landbank’s original mandate of supporting farmers, fisherfolk, and rural communities,” ayon pa kay Quimbo kung saan kabilang aniya ang LGU ng Marikina sa pinautang ng P3.4 billion.

Dahil dito, sumulat aniya ito sa Landbank para alamin kung saan ginamit ng Marikina LGU ang inutang dahil hindi tulad ng Maynila na pinautang ng P10 billion, iniulat nito na ginamit ang halaga sa renovation ng Ospital ng Maynila Medical Center, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila School of Medicine Building at bagong City Hall building.

“Wala bang karapatan ang taumbayan na malaman kung saan at paano ginasta ang utang na sa huli ay sila rin ang magbabayad mula sa kanilang sariling bulsa?,” ayon pa kay Quimbo. (BERNARD TAGUINOD)

69

Related posts

Leave a Comment