SINASAMANTALA ng mga rice importer ang Executive (EO) 62 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagpababa sa binabayaran nilang taripa kaya namamakyaw ang mga ito ng bigas sa ibang bansa.
Ito ang lumabas sa ikalawang pagdinig ng House Quinta Comm na tinawag ding Murang Pagkain Super Committee dahil inaasahan aabot umano sa 5 million metric tons ng imported rice ang inangkat ng mga rice importer ngayong taon na mas mataas sa 4.7 million MT na report ng United States Department of Agriculture (DA).
Dahil dito, umabot umano sa 2.5 million MT rice stock inventory ng Pilipinas noong November 1, 2024 o lumobo ng 25% kumpara noong nakaraang taon na isang indikasyon na nagsasamantala ang mga rice importer dahil 15% na lamang ang binabayarang taripa ng mga ito mula sa dating 35%.
Gayunpaman, dismayado ang mga mambabatas dahil imbes bumaba ang presyo ng bigas sa merkado ay lalo pang tumaas ito kaya napag-initan ng komite ang 10 top rice importers na may hawak umano sa 36% rice imports.
Kabilang sa mga ito ang Bly Agri Venture Trading, Atara Marketing Inc., Orison Free Enterprise Inc., Macman Rice and Corn Trading, King B Company, Sodatrade Corp., Lucky Buy and Sell, Vibram Marketing Inc., Nan Stu Agri Traders, and RBS Universal Grains Traders Corp.
Ilan sa mga kumpanyang ito ay pag-aari ng isang grupo lang kaya inatasan ng chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na isumite ang record ng buwis ng binayaran ng mga ito.
Inamin naman ni Vic Angeles, General Operations Manager of Vitram Marketing, na kahit ibinaba ng mga ito ang presyo, ay sinamantala ng iba pang rice traders mula sa middleman hanggang sari-sari store dahil ito ang pagkakataon na kumita sila.
Ayon sa negosyante, mula sa importer, dadaan ang bigas sa middleman na magpapatanong ng presyo kapag ipinasa ito sa wholesalers at mula rito ay may panibagong middleman na magpapasa naman sa dealers bago pumunta sa retailers na siyang nagbebenta naman sa sari-sari stores.
“Magsample po tayo na ang presyo lets say P38 (ang puhunan ng importer). Ang importer magpapatong pa ng P2 so magiging P40. Ang wholesaler magpapatong ng P3 naman. Sa dealer nagdadagdag yan around P5. Pagdating sa retailer P10 na yan (ang patong),” ani Angeles. (BERNARD TAGUINOD)
87