ITO ang banta ng tumatakbong alkalde at dating mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso matapos ipahayag na ibabalik niya ang maayos na pamamahala para matiyak ang katahmikan at kaayusan sa mga lansangan, umaga man o gabi.
“Ikinakabahala ngayon ng mga taga-Maynila ang mga nangyayari sa Taft Avenue, R-10 at sa iba’t ibang sulok ng Maynila ang nagbabalikan na mga tolongges,” pahayag ni Domagoso sa isang panayam sa himpilan ng radyo.
Pagtitiyak ni Domagoso, pananagutin sa batas ang mga tolongges tulad din sa mga pine-present niya noon kada linggo.
Binigyang-diin ng dating alkalde na kahit pa nasa malayo o liblib na lalawigan nagtatago ay ipinahahanap niya ang mga kriminal.
Sa kanyang ginagawang kakaibang uri ng maayos na pamamahala, tiniyak ni Domagoso sa mga residente ng Maynila na ang ikamamatay ng mga kriminal sa kanyang pagbabalik ay puyat.
“Talagang hindi natin patutulugin nang mahimbing ang mga yan.”
“‘Yung mamamayan ng Maynila, matutulog ka sa hatinggabi, alam mo may gobyerno pa sa kalsada, alam mo na may pamahalaan pa na nagtatrabaho para sa inyo. ‘Yon lahat, this kind of peace of mind na may gobyerno,” (JOCELYN DOMENDEN)
