BILANG NG HEALTH WORKERS NA TINAMAAN NG COVID-19 UMAKYAT NA SA 10,000 – DOH

MAHIGIT 10,000 health workers ang naitala ng Department of Health (DOH) na dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Base sa datos ng DoH, nakapagtala pa sila ng karagdagang 356 health workers na na-infect ng COVID-19 sa nakalipas na linggo.

Sanhi nito, hanggang Oktubre 10 ay mayroon nang kabuuang 10,178 health workers sa bansa ang confirmed na COVID-19 positive.

Sa naturang bilang naman, 9,562 na ang nakarekober mula sa sakit, matapos na makapagtala ng panibago pang 462 recoveries.

Nananatili naman sa 553 medical workers ang active cases pa ng virus at sumasailalim sa gamutan at quarantine.

Samantala, umakyat sa 63 ang COVID-19 deaths sa hanay ng health workers, matapos na makapagtala ng dalawang bagong fatalities.

Ayon pa sa DoH, ang limang medical professions na nakapagtala ng pinakamataas na COVID-19 cases ay ang mga nurse na may 3,543 infections, mga doctor na may 1,801, nursing assistants na may 774, medical technologists na may 475, at midwives na may 262 cases.

Kabilang sa tally, mahigit sa 500 ang non-medical personnel gaya ng utility workers, security guards, at administrative staff.

Sa pinakahuling ulat ng DoH, ang Pilipinas ay nakapagtala nang halos 340,000 COVID-19 cases na pinakamataas sa buong Western Pacific region.

Sa naturang bilang, halos 40,000 pa ang aktibong kaso, halos 294,000 na ang gumaling mula sa karamdaman at mahigit 6,300 ang sinawimpalad na binawian ng buhay. ( RENE CRISOSTOMO)

95

Related posts

Leave a Comment