(BERNARD TAGUINOD)
MAS malala sa Maharlika scam ang pag-agaw ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa halos P90 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporations (PhilHealth) para gamitin umano sa mga proyekto na wala pang pondo.
Ganito inilarawan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaya iginiit nito na imbestigahan ang bagay na ito dahil ang mga Pilipino ay inaagawan ng pondong kailangan nila sa pagpapagamot sa kanilang sakit.
“Maraming pinapalitaw na tanong ang paggamit nitong P89.9-billion unused funds ng PhilHealth para sa unprogrammed funds ng gobyerno. Nangangamoy pork scam version 2.0 ito na mas malala pa sa Maharlika scam kaya dapat imbestigahan ito,” giit ni Brosas.
Ang nasabing pondo ay bahagi ng subsidies ng gobyerno para sa mahihirap na nagkakasakit at hindi regular na miyembro ng PhilHealth mula 2021 pero hindi nagamit kahit marami ang nangangailangan ng tulong sa kanilang hospital bills.
Bukod sa PhilHealth, inaatasan din ng Malacañang ang iba pang Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na ibalik sa national treasury ang kanilang sobra at hindi nagamit na pondo.
“In the botched attempt to tap social security funds for the Maharlika Fund, the Marcos Jr. administration has now toyed with excess GOCC funds to finance questionable items under the P700-billion plus unprogrammed appropriations,” paliwanag ni Brosas.
Sa katunayan aniya, tinutulan ng mga ito ang unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA) dahil sa sobrang laki nito at posibleng maapektuhan ang pondo para sa serbisyo publiko subalit itinuloy pa rin aniya ng Kongreso.
“It’s clear that this maneuver has been in the works for a long time,”dagdag pa ng mambabatas dahil sa ilalim aniya ng 2024 national budget, sadyang siningitan ito ng probisyon na maaaring kunin ang sobrang pondo ng GOCC para magkaroon na ng pondo ang mga proyektong nakalista sa unprogrammed appropriations.
‘The people’s health funds are clearly being siphoned off. This is a grave injustice to the Filipino people, especially the poor and marginalized who were forced to rely heavily on PhilHealth for their healthcare needs,” dagdag pa ni Brosas na kaya maghahain na aniya ang mga ito ng resolusyon para sa pormal na imbestigasyon.
