BOTIKA NG BAYAN

HINDI pa man ganap na napapanagot ang mga tiwaling taong gobyerno at mga kapitalistang kasabwat sa likod ng bilyon-bilyong halaga ng mga bulilyasong kontrata sa kasagsagan ng pandemya, tila may nagbabadya na namang pagkakakitaan ang mga utak-sindikatong matakaw sa ganansya.

Ang kanilang diskarte – gamitin ang programang Botika ng Bayan sa hangaring muling buhayin ang ganansyang naudlot sa pagsusuplay ng gamot ng mga kapitalistang mapag-imbot.

Subalit bago pa man nila umpisahan ang kanilang estilong bulok, kailangan muna nilang sawatain ang maliliit na mga tindahan sa sulok-sulok. Ito mismo ang dahilan kung bakit kabi-kabila ang babala ng mga tanggapan ng gobyerno sa maliliit na mga tindahang nagbebenta ng gamot.

Panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko, sa botika lang dapat bumili ng gamot na lunas sa ano mang karamdaman. Ayon naman kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, bawal magbenta ng gamot ang maliliit na sari-sari stores na aniya’y karaniwang bagsakan ng mga pekeng gamot.

Sa isang banda, may punto ang dalawang ginoo. Dangan naman kasi laganap talaga ang mga palsipikadong gamot sa lokal na merkado, bukod pa sa totoong maganda naman ang pakay ng naturang programa – abot-kayang gamot para sa masa.

Pero ano nga ba ang adyenda sa likod ng ­pagtiris sa pipitsuging mga tindahang tambayan ng mga Marites? Posible bang isa na namang sabwatan ang pinagpipilitang programang Botika ng Bayan?

Sino nga ba talaga ang makikinabang, ang masa ba? Parang hindi naman.

Sa halip na tuntunin at puksain ang sindikatong gumagawa at nagpapakalat ng mga pekeng gamot, bakit ang mga pipitsuging tindahan ang puntirya ng gobyerno?

Ang sagot – para bigyang daan ang mga negosyanteng nangako na sila’y babahagian ng bonggang kabuhayan bago man lang magwakas ang kanilang panunungkulan.

Susmaryosep!

175

Related posts

Leave a Comment