PINAG-AARALAN ng House prosecution panel na tuluyang isantabi ang bribery charge o Article III sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang paglilitis at magkaroon ng pinal na desisyon ang Senate Impeachment Court bago matapos ang taon.
Ayon kay House prosecution spokesperson at Manila Rep. Joel Chua, nais ng panel na ituon ang kanilang lakas sa mga probisyong itinuturing nilang may pinakamalakas na ebidensya at maiwasan ang lalo pang paghaba ng mga pagdinig.
“We are considering the dropping of one article, yes. So for now, pinag-aaralan namin kung we will proceed na after next week sa unexplained wealth. Although wala pa talagang final decision. Pero isa ‘yan sa mga kino-consider namin,” paliwanag ni Chua.
Ang Article III ay tumutukoy sa alegasyon na nagbigay umano si Duterte ng mga regalong pinansyal at bayad sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) upang lumabag sa mga batas sa procurement noong siya pa ang kalihim ng kagawaran.
Ipinaliwanag ni Chua na sapat na umano ang naisampang ebidensya ng prosecution para sa Article I na tumutukoy sa umano’y misuse ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd, gayundin sa Article IV na may kinalaman sa umano’y assassination plot laban sa Pangulo at iba pang matataas na opisyal.
Gayunman, hindi umano maaaring isantabi ang Article II na tumutukoy sa umano’y unexplained wealth at maling pagdedeklara ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte dahil isa ito sa mga pangunahing inaabangan ng publiko.
Binigyang-diin ni Chua na ang posibleng pag-drop sa bribery charge ay hindi nangangahulugan ng paghina ng kaso kundi bahagi ng estratehiya upang mapabilis ang paglilitis, gaya ng nangyari sa impeachment trial laban sa yumaong dating Chief Justice Renato Corona noong 2012 kung saan limang artikulo ang isinantabi ng prosecution panel.
Matatandaang target ng House prosecution panel na matapos ang paghaharap ng kanilang mga saksi sa kalagitnaan ng Oktubre, habang ilalaan ang Nobyembre sa panig ng depensa upang magkaroon ng hatol ang Senado bago ang Kapaskuhan.
Samantala, hindi na rin ipatatawag ng prosecution bilang mga testigo sina Lt. Col. Carlos Sandaan Jr. at retired Maj. Gen. Adonis Bajao dahil pareho lamang umano ang kanilang itetestigo sa naging pahayag nina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio, na una nang humarap sa witness stand.
Walang secret fund sa YLS – Poa
Sa ika-21 araw ng impeachment trial, humarap naman bilang hostile witness si Atty. Michael Poa, dating chief of staff at officer-in-charge ng Finance and Procurement Division ng DepEd, gayundin ang tagapagsalita at legal counsel ng defense team.
Kinumpirma ni Poa sa tanong ni prosecution counsel Atty. Benjamin Tolosa Jr. na wala ni isang pisong ibinigay ang DepEd sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa Youth Leadership Summit (YLS).
Ito ay kasunod ng pagsusumite ng prosecution ng certification mula sa AFP kaugnay ng liquidation ng P112.5 milyon na confidential funds sa Commission on Audit (COA).
Inulit ni Tolosa ang nauna nang pahayag ni Poa sa House Committee on Good Government and Public Accountability na ginamit ng DepEd ang YLS ng AFP bilang bahagi ng paliwanag nito sa COA kaugnay sa paggastos ng confidential funds.
Ayon sa nauna niyang pahayag, ipinapalagay umano ng DepEd na ang mga aktibidad na isinagawa ng militar sa ground ay resulta ng impormasyong nakuha mula sa mga reward na ibinayad gamit ang confidential funds.
Ang pahayag ni Poa ay tugma sa testimonya nina Army Assistant Chiefs of Staff for Civil-Military Operations Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio noong Day 20 ng impeachment trial na sariling budget ng AFP ang ginamit sa YLS.
‘Poa walang alam’ pinalagan
Sa naturang pagdinig, inilarawan ni Tolosa si Poa bilang isang “abogadong walang alam” sa paggamit ng confidential funds, batay sa nauna nitong pahayag na wala siyang naging partisipasyon sa mga transaksyon at sina Vice President Sara Duterte at dating Special Disbursing Officer Edward Fajarda ang nakaaalam sa paggamit ng pondo.
Inalmahan naman ni Atty. Shiela Sison ng defense panel ang naturang paglalarawan kay Poa.
Sa ruling, ipinag-utos ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na alisin sa record ang katagang “abogadong walang alam.”
Ipinaliwanag ni Tolosa na mahalaga ang testimonya ni Poa dahil, sa kabila ng pagsasabing wala siyang alam sa mga transaksyon, siya ang inatasan ni Vice President Sara Duterte na sumagot sa Audit Observation Memorandum ng COA.
(TINA MENDOZA at DANG SAMSON-GARCIA)
50 