WALANG nangangahas bumangga sa bookies ni alyas Yankee sa Southern part ng Metro Manila dahil gamit na gamit umano nito ang pangalan nina Southern Police District director Brig. Gen. Kirby Kraft at Taguig City Chief of Police Col. Robert Baesa.
Ganito ang reklamong nakarating sa SAKSI Ngayon mula sa impormanteng humiling huwag siyang pangalanan para na rin sa kanyang kaligtasan.
Ayon sa impormante, mistulang pader ang operasyon ni ‘Yankee’ dahil ang ipinangangalandakan nito ay malakas siya sa mga nabanggit na opisyal.
May mga insidente pa umano na sinusulot ng mga tauhan ni ‘Yankee’ ang mga kabo at kubrador ng mga lehitimong STL operation para lumipat sa kanilang bookies.
Kapag tumanggi ang kabo o kubrador ay tinatakot nila ang mga ito na ipahuhuli at ipakukulong.
Tila pinatotohanan ang pananakot ng mga bata ni ‘Yankee’ matapos paghuhulihin kamakailan ang nasa 19 mga tauhan ng isang STL operator. Ito ay sa kabila ng pagpapakita ng certification ng operator ng STL na nagpapatunay na legal ang kanilang operasyon.
Bunga nito, takot ang namamayani ngayon sa mga may lehitimong operasyon ng STL dahil nababaliktad anila ang sitwasyon.
Ang ilegal na bookies ni alyas Yankee ay nananatiling matatag habang ang mga lehitimo ay nangangamba na anomang oras ay magambala sila ng mga police operation.
Sumbong pa ng impormante, matagal nang ‘untouchable’ sa South si Alyas Yankee. Katunayan aniya, kasamahan pa ito ni Totoy Haruta na may malaki ring bookies sa nasabing bahagi ng Metro Manila.
Duda naman ng mga may legal na STL operation, naisasakripisyo sila para magkaroon ng accomplishment ang mga pulis dahil hindi nila kayang banggain ang illegal bookies.
Sa kabila ng paulit-ulit na babala ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na sisibakin sa serbisyo ang sinomang district director, city director, regional, director at provincial director kapag napatunayang may jueteng o bookies at anomang uri ng ilegal na sugal sa kanilang nasasakupan, wala pang naparurusahan sa mga ito.
Dapat matigil na ang pagbo-bookies dahil inaagawan nito ng kita ang kaban ng bayan.
Ang bookies na ito ay maaring magdulot ng pagkalugi ng authorized agents ng STL. Kapag nangyari ito, kakapusin sila ng pambayad sa PCSO para sa kanilang Guaranteed Minimum Monthly Retail Receipt (GMMRR).
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
